Walang nakikitang mali si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa pagbabawal ng Estados Unidos sa pagpasok sa kanilang teritoryo ng mga indibidwal na nagpakulong kay Sen. Leila de Lima.

Sa isang Twitter post, sinabi ni Locsin na ang desisyon na ito ng Estados Unidos ay bahagi ng kanilang soberenya.

Maihahalintulad nga aniya ang hakbang na ito sa pagpapa-deport naman ng Pilipinas kay Sister Patricia Fox sa Australia noong nakaraang taon.

Sa hiwalay na post, binigyan diin naman ni Locsin na hindi dapat na isuko ng Piliinas ang soberenya nito.

“Yes, it has to do with sovereignty which if we waive here we may as well waive it to China and give Subic and Clark,” ani Locsin.

Matatandaan na-deport si Fox noong nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien at umano’y mga paglabag nito sa limitasyon at kondisyon ng hawak na missionary visa.

Noong nakaraang linggo lang naman ay nilagdaan ni US President Donald Trump ang US Fiscal Year 2020 State and Foreign Operations Appropriations Act.

Nakapaloob dito ang probisyon na nagbabawal sa pagpasok sa Estados Unidos ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na nagpakulong kay De Lima.