-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Atty. Jason Perera, Sang Panlungsod member dito sa Lungsod ng Laoag na labag sa batas sa Pilipinas ang basta na lamang pag-aresto sa isang indibiduwal o opisyal ng bansa kung ang arrest warrant ay nanggaling sa foreign country.

Reaksyon ito ni Perera hinggil sa arrest warrant ng inisyu ng International Criminal Court laban kay Senador Ronald Bato dela Rosa.

Ipinaliwanag ni Atty. Perera na matapos ang pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague ay may ipinalabas ang Korte Suprema na isang resolusyon noong Oktubre 2025 hinggil sa mga hakbang kung paano arestuhin ang isang Pilipino kung mayroong arrest warrant mula sa ibang bansa laban sa kanya.

Sinabi ni Perera na sa kaso ni Senador dela Rosa, kailangan may warrant of arrest na galing mismo sa korte ng Pilipinas na isisilbi sa kanya, kung saan mag-apply ang Department of Justice at ang mga otoridad sa tinatawag na extradition court.

Dagdag niya na kung maaprubahan ay ito lamang ang tamang panahon para pwedeng isilbi at arestuhin ng mga otoridad si Senador dela Rosa.
Sinabi pa ni Perera na sa kaso ni Dela Rosa ay walang ganitong nangyayari kaya maituturing na illegal ang hakbang na basta na lamang arestuhin ang nasabing senador.

Iginiit ni Perera na mas mataas ang konstitusyon ng Pilipinas, kompara sa international law dahil may sariling soberenya ang bansa.