Ibinunyag ni Cebu Gov. Gwen Garcia na nagbigay ng P1 million pesos si Presidente Ferdinand Marcos Jr. bilang karagdagang premyo sa mga nanalo sa Pasigarbo sa Sugbo 2023 o festival of festivals na ginanap noong Linggo, Agosto 27, sa Carcar City.
Ngunit dahil pa sa pag-level up ng mga performance, nagpasya si Garcia na hatiin nalang ang premyo ng 50 alkalde.
Karagdagang P1 million naman ang ipinangako ng gobernadora bilang pasasalamat sa patuloy ng pagkakaisa ng mga local government units sa kabila ng kontrobersiya at isyu na bumabalot sa nasabing kaganapan.
Samantala, sa ginanap na general assembly, nagkasundo ang mga alkalde sa Probinsya ng Cebu na isang bagong set ng mga nanalo ang idedeklara para sa ritual showdown ng Pasigarbo sa Sugbo.
Nakatakdang isasagawa ang awarding ceremonies sa darating na Setyembre 6 kung saan hindi na magkakaroon pa ng repeat performances.
Sinang-ayunan din ng mga ito na pagbabasehan ang score ng mga judges at hindi na isasama ang online voting sa overall scoring ng lahat ng contingents.
Pinasalamatan at pinuri naman ni Garcia ang ipinakitang galing ng mga local government units kasabay na rin ng pagpapaabot nito ng mensahe sa mga kritiko at mga taong nagbabalak na hatiin ang mga Cebuano.