-- Advertisements --

Siniguro Department of Energy (DOE) Acting Secretary Sharon Garin na may sapat na buffer stock ang mga kumpaniya ng langis dito sa bansa, sa gitna ng pangamba ng publiko ukol sa posibilidad ng limitadong supply, dala ng giyera sa Middle East.

Ayon kay garin, dalawang bagay ang pangunahing binabantayan ngayon ng DOE sa industriya ng petrolyo – presyo at supply.

Para sa presyo ng mga produktong petrolyo, wala aniyang magagawa ang DOE ukol dito dahil sa idinidikta ng international market ang presyuhan at sumusunod lamang ang local companies sa bansa. Dito ay nakadepende lamang aniya ang Pilipinas sa inaangkat na petrolyo.

Pagdating sa supply, idinidikta ng batas na dapat ay mayroong buffer stock ng langis ang mga kumpaniya na maaaring tumagal ng 15 araw.

Kung ibabatay aniya sa regular assessment at inspection na ginagawa ng DOE, nasusunod naman ito ng mga kumpaniya habang karamihan sa kanila ay may mas mataas pang volume ng stock.

Inihalimbawa ng kalihim ang ilang mga kumpaniya ng langis na may buffer stock na aabot pa sa 28 days.

Giit ng kalihim, bagaman wala pang katiyakan kung gaano kalawak ang kahihinatnan ng giyera, gumagawa aniya ang pamahalaan ng akmang hakbang upang maiwasan ang mabigat na epekto nito sa industriya ng petrolyo, na hindi labis na mahirapan ang mga Pilipino.

Kabilang na dito ang hindi biglaang pagpapatupad sa mga bigtime price hike na sinimulan na ngayong araw, Junde 24.