Suportado ng mga retiradong tennis players ang naging pahayag ng four-time Grand Slam winner na si Naomi Osaka na pansamantala muna itong titigil sa sports matapos mawalan ng interes sa kompetisyon.
Una rito, pinataob ng Filipino-Canadian na si Leylah Fernandez ang world No. 3 sa third round ng US Open.
Dahil dito, agad inanunsiyo ng Japanese tennis star na plano niyang mag-indefinite break muna sa tennis.
“I feel like for me recently, like, when I win I don’t feel happy. I feel more like a relief,” ani Osaka.
Noong mga nakaraang buwan nang aminin din ng 23-anyos na tennis player na nakararanas ito ng depresyon.
Pinuri naman ni Retired American tennis pro James Blake ang desisyon ni Osaka.
“Please do what is best for you @naomiosaka. We want to see your extraordinary tennis again, but more importantly, we want to see you happy,” ani Blake sa kanyang Twitter post.
Tumugon din ang six-time Grand Slam winner na si Boris Becker sa post ni Blake ng: “That’s right.”
Una rito, hindi na sumali si Osaka sa French Open.
Maging ang four-time Olympic gold medal-winning sprinter na si Michael Johnson ay pinuri rin ang naging desisyon ng tennis star.
“Good decision. Young, trying to figure out life, how to win consistently, and as a huge celebrity athlete is hard! Trying to also be a change maker too. Exponentially harder!” ani Johnson sa Twitter.