-- Advertisements --

Walang katuturan ang desisyon ni Agriculture Secretary William Dar na mag-angkat ang Pilipinas ng ilang toneladang mga isda mula sa China, ayon kay House Deputy Speaker Loren Legarda.

Sinabi ni Legarda, hindi katanggap-tanggap ang desisyon na ito ng Department of Agriculture (DA) dahil mistulang pinapatay na nito ang mga pamilya ng mga mangingisda.

Nauna nang sinabi ng DA na mag-aangkat ang Pilipinas ng 60-toneladang mga isda kabilang na ang galunggong para punuan ang kakuanggan ng supply sa kasalukuyan.

Pero para kay Legarda, hindi makatwiran na gamiting batayan ng kagawaran ang pinsalang idinulot ng Bagyong Odette sa fishery sector.

Hindi rin siya kumbensido na dapat ding gawing palusot ang ipinaiiral na fishing ban simula noong Nobyembre 2021 hanggang Pebrero 2022.

Ayon sa BFAR, noong Enero 12 ay nasa 14,349 metric tons ng isda pa lang ang naibebenta sa mga pamilihan.

Papalo naman sa 36,962 metric tons ng isda ang dumating na at nakaimbak lamang sa ngayon.