Pinaiimbestigahan sa Kamara ng tatlong kongresista ang pagpayag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng Department of Agriculture (DA) sa pag-angkat ng 200,000 metric tons ng refined sugar.
Sa kanilang inihaing House Resolution No. 2495, sinabi nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite na kuwestiyonable ang pag-angkat nang bulto-bultong asukal.
Base na rin kasi anila sa report ng SRA sa DA noong Pebrero 6, 2022, pumalo sa 353,779.10 metric tons ang production sa refined sugar o 46 percent na mas mataas kaysa 249,518.8 metric tons sa nakalipas na taon.
Bukod dito ay mayroon ding 2.3 percent increase sa raw sugar supply sa nalalabing anim na buwan sa sugar crop year.
Ipinunto rin ng mga kongresista na harvest at milling season na sa ngayon kaya ang desisyon ng DA na mag-angkat ng refined sugar ay nagsisilbi lamang banta sa local sugar producers at sa suger industry mismo ng bansa.
Nabatid na noong Pebrero 15, naglabas ng 20-day temporary restraining order ang Regional Trial Court Branch 73 ng Sagay City sa Negros Occidental laban sa importation ng SRA ng 200,000 metric tons ng refined sugar.