Kumpiyansa si Senate President Juan Miguel Zubiri na maipapasa ang bill na nag a-amyenda sa batas na nagpapatupad ng three-year fixed term sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay matapos aniya na makatanggap ng suporta mula sa mga mambabatas ang nasabing pag a-amyenda sa nasabing batas.
Dagdag pa ni Zubiri, maging si dating Philippine National Police chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” Dela Rosa ay pabor din dito at sa katunayan pa aniya nito ay mayroon din itong sariling suhestiyong ukol sa nasabing usapin.
“We discussed it and may mga favorable comment ang mga kasamahan natin, even former General Bato (dela Rosa), nung kinausap ko po siya, ‘yung kanyang suggestion nga AFP chief of staff lang,” ani Zubiri sa isang panayam.
Una nang sinabi ni Zubiri na target ng Senado na maipasa ang pag-amyenda sa Republic Act 11709 na nagpapatupad ng three-year fixed term par sa mga key official ng AFP sa unang bahagi ng taong 2023.
Ito ay matapos na i-certify ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang House Bill 6517 na layunin namang mabilis na amyendahan ang RA 11709.
Kung maaalala, inamin din ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na nagkakaroon ng ilang hindi pagkakaintindihan sa hanay ng militar dahilsa ilang “unintended consequences” sa nasabing batas na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.