-- Advertisements --

Umaasa si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na gagawing prayoridad ng Kongreso ang hirit na pag-amyenda sa Republic Act 9872 o ang Human Security Act.

Sinabi ni Albayalde, napapanahon na para amyendahan ang nasabing batas lalo na at patuloy sa paghasik ng karahasan ang teroristang grupo.

Kamakailan lamang may naitala ng kauna-unahang Pinoy suicide bomber sa Sulu.

Paliwanag ni Albayalde, ilang probisyon kasi sa batas ay nagiging hadlang sa pagtupad nila sa tungkulin lalo na ang paglaban sa terorismo.

Ayon kay Albayalde, sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, kailangang ipaalam sa isang hinihinalang terorista na siya’y isinasailalim sa surveillance at kapag lumagpas na sa 72 oras na hawak ng pulisya ang kanilang naarestong target na bigong makasuhan ay agad pagmumultahin pa ang PNP ng kalahating milyong piso kada araw.

Ito ang kadalasang dahilan kaya’t hindi nagiging maayos ang pagkakasampa ng kaso laban sa isang terorista kahit may hawak nang matibay na ebidensya ang mga pulis na nagreresulta pa sa pagkakatakas nito sa batas.

Inihalimbawa pa ng PNP chief na sa ibang mga bansa, kahit hanggang 30 araw ay maaaring ikulong ang isang suspected terrorist at maaari itong magtagal sa piitan hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon.