Idinaan na lamang ni Angel Locsin sa simpleng pag-click ng heart button sa Instagram ang tila pagsang-ayon nito na dapat ay hiningi muna ang kanyang permiso bago isinapubliko ang sketch sa kanya bilang Darna.

Sa naturang sketch kasi ng graphic designer na si Klayton Ramos mula Bulacan, chubby version ito ni Angel bilang Darna na ngayon ay mayroon nang mahigit sa 50,000 reactions, halos 30,000 beses nang nai-share, at mahigit 1,000 ang nag-comment.

Nanguna naman ang kapwa aktres na si Rita Avila sa pag-alma bilang respeto aniya sana sa anumang body shape ng isang babae.

Gayunman, nakausap na raw ng 52-year-old veteran actress ang kaibigan ng nasabing graphic artist kung saan wala raw itong anumang malisosyong intensyon.

Posible aniya na may sariling pananaw ang isang artist sa mga drawing nito, pero dapat ay maging sensitive pa rin kung ito ba ay magpapahiya sa kanyang subject.

Nabatid na dedma pa rin ang 35-year-old fiancee ni Neil Arce sa isyung biglang nadagdag na timbang nito, bagkus ay tutok lamang sa kanyang humanitarian activities sa panahon ng coronavirus pandemic sa bansa.