Umani ngayon ng samu’t saring reaction ang pag-absuwelto ng Office of the President (OP) sa dating mga opisyal ng Agriculture at Sugar Regulatory Administration (SRA) officials kaugnay ng umano’y iligal na pag-isyu ng Sugar Order Number 4.
Kung maalala, sa naturang order ay papayagan sana ng pamahalaan ng importation ng 300,000 metric tons ng asukal pero hindi ito inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa 10 pahinang desisyo na may petsang December 29, 2022 sinabi ng Office of the President inabsuwelto nito sa pananagutan ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Regulation (SRA) dahil ang Sugar Order 4 daw ay ginawa dahil sa “good faith.”
Maliban dito, inakala din umano ng mga respondents na sila ay otorisado sa Sugar Order 4 dahil sa miscommunication.
Ang apat na opisyal ay nasampahan ng kasong grave misconduct, gross dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service na may kaugnayan sa Sugar Order No. 4.
Paliwanag ng Office of the President, ang miscommunication ay nag-ugat sa July 15, 2022 memorandum ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez na pumapayag sa pag-upo noon ni Undersecretary Leocadio Sebastian bilang ex-officio chairman ng Sugar Regulatory Board.
Ang July 15, 2022 memo ay naging daan para pirmahan ni Sebastian ang kontrata at iba pang dokumento na kinakailangan ng departamento para sa kanilang objectives, policies, functions, plans, programs at projects para sa sapat at epektibong operasyon ng Department of Agriculture.
Nakasaad pa sa desisyon ng ng Office of the President na ang Sugar Order No. 4 ay inihanda bilang direktiba ng pangulo na gumawa ng mahalagang plano at ang draft nito ay ipinadala kay dating executive secretary Rodriguez.
Binanggit din ng Office of the President na hindi nakitaan ang naturang mga opisyal ng intesiyon nilang manlinlang o mag-misrepresent at hindi ito maituturing na dishonesty.