Pormal nang tinanggap ni Sen. Manny Pacquiao ang nominasyon sa kanya ng kanyang paksyon sa ruling party na PDP-Laban bilang kanilang kandidato sa pagka-pangulo sa halalan sa susunod na taon.
Nangyari ito sa kanilang national assembly ngayong hapon ng Setyembre 19, na dinaluhan ng personal ng 78 national members, at ilang libong delegado mula naman sa grassroots chapters na nakibahagi sa pamamagitan ng video teleconferencing.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pacquiao na katulad ng mga hinarap niyang laban sa mga nakalipas na taon, pinili niyang bumangon na sa ngayon at tanggapin ang nominasyon sa kanya ng kanilang paksyon sa PDP-Laban.
Ito ay kahit pa aniya na sa mga nakalipas na buwan ay pilit aniyang binubuwag ang kanyang pangalan para sa pansariling interes at politika sa harap ng hindi pagkakaintindihan sa loob ng kanilang partido.
Binanggit ni Pacquiao na katulad ng karamihan, naranasan niyang maging mahirap, mangutang para may pangkain, at magbanat ng buto para may pang-tustos sa pamilya.
Ang mga karanasan aniya na ito ang pumanday sa kanya sa kanyang katayuan sa kasalukuyan, at ang mga ito ay kanyang bibitbitin sa sa pag-usad ng mga pangyayari pagkatapos niyang tanggapin ang nominasyon sa kanya sa pagka-pangulo.
Ayon kay Pacquiao panahon na para umahon ang bansa sa kahirapan, at para magawa ito kailangan aniya nang isang gobyerno na mayroong integridad, compassion at transparent.
Panahon na aniya para sa isang malinis na gobyerno, kung saan ang bawat sentimo sa kaban ng bayan ay dapat mapunta sa bawat Pilipino.
Pinatutsadahan din ni Pacquiao ang mga korap na opisyal ng pamahalaan at iyong mga puro pangako pero pawang napapako lang naman.
Sa huli, humingi ng suporta si Pacquiao sa kanyang pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Mababatid na sa nagdaang mga linggo ay inanunsyo naman ng paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi na sina Sen. Bong Go at Pangulong Rodrigo Duterte ang napili nilang kandidato sa 2022 polls.
Tinanggap ni Duterte ang nominasyon sa kanya bilang bise presidente, subalit tinanggihan naman ni Go ang endorso sa kanya sa pagka-pangulo.
May inisyal na senatorial slate na rin na inihanda ang paksyon naman ni Cusi kabilang na sina Labor Sec. Silvestre Bello III, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Transportation Secretary Arthur Tugade, Leyte 4th District Representative Lucy Torres-Gomez, Presidential Spokesperson Harry Roque, Public Works and Highways Secretary Mark Villar, Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica, at House Deputy Speaker Rodante Marcoleta.