VIGAN CITY – Naniniwala ang isa sa mga malalapit na kaibigan ni Sen. Manny Pacquiao na mananalo ang Pinoy ring icon laban kay Keith Thurman sa nakatakdang faceoff nila sa susunod na buwan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng dating Ilocos Sur governor at Narvacan Mayor-elect Luis “Chavit” Singson, na kung siya sana ang masusunod ay ayaw na niyang labanan pa sana ni Pacquiao si Thurman.

Ito’y dahil 10 taon na mas bata ang American boxer kompara sa 40-year old fighting senator.

Ngunit wala naman aniyang magagawa si Singson dahil desisyon ni Pacman na labanan si Thurman at nakatitiyak naman ito na kaya nitong patumbahin ang kaniyang kalaban kahit na mas bata pa ito sa kaniya.

Kaugnay nito, muling ipinayo ng dating gobernador na kung manalo ang kaniyang kaibigan ay magretiro na ito sa boxing at tutukan na lamang ang kaniyang pagsisilbi sa bayan.

Sinabi pa nito na kung hinihintay ni Pacquiao ang laban nila ng American undefeated boxing champion na si Floyd Mayweather. Jr., huwag na uitong umasa dahil takot si Mayweather sa kaniya kaya marami itong palusot sa tuwing hinahamon niya ng rematch.