Dinipensahan ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang posisyon hinggil sa reimposition ng death penalty.
Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na bagamat sinasabi sa Bibliya na huwag pumatay, pero may “government authority” aniya na mayroong kapangyarihan para magpataw ng parusang kamatayan laban sa mga nagkasala.
Ginawa ni Pacquiao ang naturang pahayag matapos na himukin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso sa kanyang ikalimang State of The Nation Address (SONA) na asikasuhin ang panukalang naglalayong ibalik ang pagpapataw ng parusang kamatayan para sa mga krimen na may kaugnyan sa iligal na droga.
Ayon kay Pacquiao, na isa pa man ding Born Again Christian na araw-araw na nagbabasa umano ng Bibliya, kailangan na sumunod ng lahat sa aniya’y “government established by God and instituted by God.”
Binuo aniya ng Diyos ang mga gobyerno na ito upang sa gayon ay magpatupad ng disiplina sa mga tao.
“Mahalaga ang buhay. Kaya in-establish ng Panginoon yung government authority, yung batas, kaya tayo may government para disiplinahin ang taong matigas ang ulo, ang taong gumagawa ng kasalanan,” ani Pacquiao.
Iginiit ng Senador na sa gitna ng COVID-19 crisis, marami pa ring drug personalities ang ipinagpapatuloy ang kanilang mga iligal na gawain.