Walang takas sa kamay ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil kasama raw ito sa kanilang mga iimbestigahan kaugnay ng issue sa good conduct time allowance (GCTA).
Ayon kay PACC commissioner Manuelito Luna, damay din sa gagawin nilang pagsusuri ang mga dating hepe ng BuCor dahil taong 2013 nang lagdaan ang GCTA law.
Hindi umano pwedeng isisi lahat ng issue sa kasalukuyang director general na si Nicanor Faeldon kaya posibleng ipatawag din nila sa imbestigasyon sina dating BuCor chiefs Franklin Bucayu at Benjamin Reyes.
Naniniwala naman ang opisyal na hindi dapat isali sa pagsisiyasat si Sen. Ronald Dela Rosa kahit pa naging hepe rin ito ng BuCor.
Maaari raw kasing magbanggaan ang dalawang sangay ng gobyerno dahil nasa ilalim ng executive department ang BuCor habang miyembro ng lehislatura si Dela Rosa.