-- Advertisements --

Ngayong naibaba na ang alert level sa Taal Volcano at natanggal ang lockdown order, dapat nakatuon naman ang pokus ng gobyerno para sa recovery ng mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan, ayon kay Senador Francis Tolentino.

Kanina, naghain si Tolentino ng Senate Resolution 297 na pinamagatang “A Resolution Directing the Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, In Aid of Legislation, and in the Exercise of the Senate’s Oversight Function,” hinikayat nito ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at iba pang ahensiya na magbalangkas ng Sustainable Taal Volcano Resettlement and Rehabilitation Program.

Mula nang sumabog ang Taal noong Enero 12, sinabi ni Tolentino na bumagsak ang ekonomiya ng lalawigan ng Cavite at Batangas, partikular ang mga bayan ng Talisay, Malvar, Tanauan, Agoncillo, Santa Teresita, Cuenca, Alitagtag, Mataas na Kahoy, San Niclos at lungsod ng Lipa.

Tinatayang P3.17 bilyon ang nawala sa kaban ng dalawang lalawigan bunsod ng pagsabog ng Taal kung saan P6.6 bilyon ay nagmula sa agriculture at fisheries.

Subalit higit pa sa pagkasira ng agrikultura at palaisdahan, may 907,664 residente, )4,000 dito ang nakatira sa palibot ng bulkan) ang naapektuhan o di kaya’y nawalan ng tirahan.

Sa datos ng Batangas Provincial Disaster and Risk Reduction Management Council, inaasahang tataas pa ang bilang ng mga naapektuhan, kung saan 200,000 mga residente ang nanatili pa rin sa mga evacuation center sa Batangas at Cavite.

Ngayong naibaba na ang alert level, maari nang simulan ng DHSUD ang resettlement at rehabilitation program para sa mga residenteng nawalan ng tirahan dahil sa pagsabog ng Taal.

“Huwag na po natin patagalin pa ang pagdurusa ng ating mga kababayan, yung mga bagay na pwede na natin gawin ngayon para sa ikagiginhawa ng mga apektadong pamilya gawin na natin ngayon,” sabi ni Tolentino.