Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na may batayan para masabing “COVID-19 free” na ang buong bansa o isang lugar.
Reaksyon ito ng ahensya sa gitna ng posibilidad na makampante ang publiko dahil sa inaasahang mga bakuna sa susunod na taon.
“Kailangan natin maintindihan na kahit magkakaroon tayo ng bakuna kailangan natin ituloy yung minimum public health standards, so this would go hand in hand with the vaccines and compliance,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
“Hindi natin ititigil yan dahil may bakuna na.”
Ayon sa opisyal, maaaring masabi na “COVID free” ang isang lugar kung sa loob ng dalawang incubation period, o 28 days ay wala na itong maitatalang bagong kaso ng sakit.
Nakasaad din daw sa paalala ng World Health Organization na dapat wala nang naitalang imported cases o kaso ng sakit mula sa ibang lugar, case clusters at wala na ring outbreak.
“Currently, the Philippines is still classified na mayroong community transmission. Bagamat bumababa yung bilang ng mga kaso, we can still see clusters of infections in the other areas of the country.”
Sa huling tala ng DOH, nasa 439,834 na ang total ng COVID-19 cases ang Pilipinas. Mula rito 408,634 nang gumaling at 8,554 na namatay.