-- Advertisements --

MANILA – Naniniwala si Vice President Leni Robredo na makakatulong ang pagpapaturok sa COVID-19 vaccine ni Pangulong Rodrigo Duterte para maibalik ang tiwala ng mga Pilipino sa bakuna.

“Lalo pa, Ka Ely, kasi ang surveys pinapakita na sobrang popular ni Pangulo, ‘di ba? Sobrang popular ni Pangulo, so makakatulong sana to boost iyong confidence ng ating mga kababayan kung makita siya,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna ng mga debate sa kung saang bansa manggagaling ang unang supply ng bakuna na darating sa Pilipinas, at mababa pa ring kompiyansa ng publiko sa bakuna.

Batay sa pinakabagong Pulse Asia survey, nasa 50% daw ng mga Pilipino ang hindi interesadong magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Robredo, sa lahat ng pagkakataon ay dapat naman talagang nahuhuli ang mga opisyal dahil kapakanan ng publiko ang una sa listahan ng konsiderasyon, pero iba raw na usapin ang bakuna.

Kaya naman kung susundan ni Duterte ang yapak ng ilang state leaders na nagpaturok ng bakuna ay baka bumalik umano ang tiwala ng mga Pilipino sa bakuna.

“Ibang usapan iyong vaccine dahil ang baba nga ng confidence ng tao sa pagpapabakuna. So makakatulong na kung sino iyong tinitingala nila eh makita nila, ipakita sa kanila na walang dapat ipangamba.”

Una nang sinabi ni Duterte na handa siyang magpaturok ng COVID-19 vaccine. Kung siya raw ang tatanungin, gusto niyang mabakunahan ng gawang Russia at China.

Pero kamakailan nang bawiin niya ang pahayag at sinabing mas gusto na lang niyang mahuling mabakunahan.