Pabor ang Department of Health (DOH) na mag-alok ang lokal na pamahalaan ng mga insentibo para sa mga magpapabakunang Pinoy sa nagpapatuloy na vaccination program ng bansa.
Layon nito ay upang maraming mga Pinoy ang ma-encourage na magpabakuna at mabakunahan.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, walang nakitang mali ang DOH sa mga LGU na nagbigay ng insentibo sa mga nagpabakuna.
Aniya, ang incentives ay hindi lamang nakapokus sa mga materyal na insentibo katulad ng pagbibigay ng mga pagkain o ‘di kaya ay nagbibigay ng mga papremyo.
Maglabas umano ng guidelines at impormasyon ang gobyerno kaugnay sa incentives kapag kanila na itong ma-finalize.
Napag-alaman na sa Las Pinas, ang mga indibidwal na nabakunahan ay magkakaroon ng pagkakataon na manalo ng house and lot pati na rin ang mga groceries at motorsiklo.
Sa Pampanga, ang mga baka ay ginawang pa-raffle para sa mga residente na nabakunahan.
Dagdag pa ni Vergerie, nag-iisip na rin ang DOH ng additional na incentives para mas makahikayat sila ng mas maraming tao para magpabakuna.
Nauna nang pinalakas pa ng DOH ang kanilang education campaign upang matugunan ang pag-aalangan ng bakuna sa mga Pilipino. (with reports from Bombo Jane Buna)