Mahigit P83.9 milyong halaga ng iligal na droga na nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas ang sinira nitong Lunes ng umaga, Disyembre 12, sa thermal facility ng Cosmopolitan Funeral Homes nitong lungsod ng Cebu.
Kabilang sa sinunog ay ang 12,305 gramo ng shabu at 1,917.64 gramo ng marijuana at 136ml na nubain.
Inihayag ni PDEA-7 Director Levi Ortiz na ito na ang kanilang ikatlo at huling pagsunog ng ilegal na droga ngayong taon.
Inilarawan pa nito bilang “successful” ang pagpapatupad sa kampanya laban sa ilegal na droga ngayong taon at lalo pang pinalakas nang inilunsad sa isla ang One Cebu Inter-agency Interdiction Task Force.
Maliban dito, marami pa umano silang natulungan na mga drug offenders na mapabuti ang kanilang buhay sa pamamagitan ng kanilang programa na community-based rehabilitation.
Kaugnay naman sa nakuhang impormasyon mula sa mga naarestong drug suspek na nagmula sa loob ng Cebu City jail ang souce ng droga, sinabi pa ni Ortiz na patuloy ang kanilang isinagawang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa Bureau of Jail Management and Penology.