Nag-iwan ng tatlong drug suspek na patay ang inilunsad na buy bust operations ng Philippine National Police (PNP)-Drug Enforcement Group (PDEG) sa siyudad ng Paranaque at Pasay City.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, batay sa report ni PDEG director B/Gen. Remus Medina, nakilala ang isa sa mga napatay na si alyas Richard na nakipagsagupaan sa mga operatiba sa Barangay Sun Valley, Paranaque City, maghating-gabi nitong Sabado.
Nakumpiska sa suspek ang limang pakete ng Chinese tea packs na naglalaman ng limang kilo ng shabu na may market value na P34 million.
Sa Pasay operations naman, dalawang pinaniniwalang drug pushers ang namatay sa anti-illegal drug operation kaninang madaling araw sa may bahagi ng Merville at C5 extension, Barangay 201, Pasay City.
Kinilala ni Sinas ang dalawang namatay na sina alias Domeng at Rey.
Nakumpiska sa kanilang posisyon ang nasa pitong kilo ng shabu nagkakahalaga ng P47.6 million.
Ayon kay Sinas, ang mga suspek ay mga “notorious distributors” ng illegal drugs sa National Capital Region at maging sa karatig rehiyon.
Pinuri naman ni Sinas ang matagumpay na operasyon ng PDEG.















