Magdadagdag pa ng ayuda ang China para sa mga biktima ng typhoon Odette sa ilang bahagi ng ating bansa.
Ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, aabot sa P800 million ang ipagkakaloob nila bilang suporta sa mga kaibigang Filipino, na nahaharap sa malaking pagsubok.
Una rito, nagbigay na ng inisyal na ayuda ang China para sa Visayas at Mindano, kung saan nagkaroon ng mahigit 300 kataong nasawi.
Dito ay nasa 20,000 food packs na nagkakahalaga ng P8 million ang ibinigay sa mga probinsya.
Kabilang sa narating ng tulong ang lalawigan ng Cebu, Leyte, Negros Occidental, Bohol, Cagayan de Oro City, Surigao City at Negros Oriental.
Samantala, nakaipon naman ng bukod na P75 million ang Filipino Chinese Community Calamity Fund (FCCCF) na pinangungunahan ng 11 major Filipino Chinese business, civic at cultural organizations para sa kanilang typhoon Odette relief operations.