-- Advertisements --

Pormal nang natanggap ng Senado ang panukalang P7.2-trillion na pambansang budget para sa taong 2027.

Personal na tinanggap ni Senate President Sherwin Gatchalian ang kopya ng National Expenditure Program (NEP) nitong Martes, Agosto 11, sa isang ceremonial turnover sa Senado.

Kasama ni Gatchalian sina Senate Finance Committee Chairman Senator JV Ejercito at Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Pinangunahan naman ni Acting Budget Secretary Kim Robert De Leon ang seremonya, kasama ang iba pang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon sa panukalang budget, kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon, kalusugan, social protection, pagkain, imprastraktura, trabaho, digitalization, at paghahanda sa mga kalamidad.

Pinakamalaki sa social services ang nakalaang pondo na aabot sa P2.456 trillion.

Samantala, nananatiling pangunahing prayoridad ang edukasyon, kung saan iminungkahing ilaan ang P976 billion para sa Department of Education (DepEd).

May nakalaan din na malaking pondo para sa health care, imprastraktura, agrikultura, transportasyon, at pabahay.

Ang National Expenditure Program ang magiging batayan ng Kongreso sa pagtalakay at pagbuo ng 2027 General Appropriations Act o pambansang budget para sa susunod na taon.