Nagkakahalaga sa P5 billion hanggang P6 billion ang halaga ng kitang mawawala sa bansa ngayong taon matapos na tuluyan nang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong sa buong Pilipinas.
Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), sa taong ito ay inaasahang nasa P50 billion hanggang P60 billion lamang ang gross gaming revenue na makukuha ng pamahalaan mula sa dating P60 billion hangang P65 billion na estimated revenues nito.
Ipinahayag ni Pagcor Chairman Andrea Domingo, na bagama’t malaking kita nga ang mawawala sa bansa ay kinakailangan nilang agad na ipatupad ang pasya ng pangulo na ipasara ang nasabing sugal.
Nakatakda aniya na maglabas ng formal memorandum ukol dito ang kagawaran na ibibigay naman nila sa mga regulated e-sabong operatos ng Pagcor.
Ipapaalam din ng ahensya sa Commission on Audit (COA) na simula ngayong araw ay wala nang makokolektang anumang kita ang Pagcor mula sa operasyon ng e-sabong.
Samantala, una rito ay ipinahayag na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) na agad nilang ipapatupad ang utos ni Pangulong Duterte na ipasara ang lahat ng iba’t-ibang klase ng operasyon ng e-sabong sa tulong ng Philippine National Police (PNP) at mga local government unit (LGU).