-- Advertisements --
FB IMG 1600424862933 1

Nakasabat na naman ng Bureau of Customs (BoC)-NAIA) na mga misdeclared luxury bags at mga sapatos na idineklarang mga shampoo.

Kabilang dito ang 157 na piraso ng mga handbags Prada, Gucci, Hermes, Louis Vuitton, Chanel, Christian Dior, Valentino at mga sapatos na nagkakahalaga lahat ng P6.5 million.

Base sa record, ang shipment ay nakapangalan kay Reynaldo Tan sa Paircargo Warehouse at ito ay misdeclared bilang personal effects gaya ng assorted clothes, shampoo mula sa Maisons-Alfort, France.

Tinangka umanong i-misdeclare ang naturang mga kontrabando para hindi magbayad ng mas malaking halaga ng buwis sa pamamagitan ng paggamit ng palsipikadong mga dokumento.

Ayon kay District Collector Carmelita M. Talusan, ang shipment ang mga bag at sapatos ay kanilang kukumpiskahin at idadaan sa forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Section 1400 at Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Bilang pagtupad naman sa standing directives ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na panagutin ang mga smugglers ang mga nasabat na kontrabando ay ipapasakamay naman sa Bureau Action Team Against Smugglers (BATAS) para sa case profiling at case build up laban sa mga sangkot na personalidad sa smuggling ng misdeclared luxury items.