CENTRAL MINDANAO-Isang masayang araw para sa mga kawani at opisyal ng Department of the Interior and Local Government Provincial Office dahil uumpisahan na ang pagtatayo ng dalawang palapag na gusali na magsisilbi nitong bagong tanggapan.
Ang groundbreaking ng P6.1M na itatayong gusali na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ng ahensya sa Provincial Capitol Grounds, Amas, Kidapawan City.
Ito ay pinangunahan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, DILG Regional Director Josephine C. Leysa at DILG Provincial Director Ali B. Abdullah kasama ang mga kawani ng DILG.
Sa kanyang mensahe, labis ang pasasalamat ni PD Abdullah dahil magkakaroon na ng sariling opisina at conference area ang DILG Provincial Office.
Pinasalamatan din nito ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Mendoza sa suporta nito sa mga programang isinusulong ng DILG at sa pagpayag nitong magamit ang 1,800sq meters na lupa ng kapitolyo na pagtatayuan ng gusali.
Labis namang ikinatuwa ni Governor Mendoza ang nasabing proyekto at umaasang magsisilbi itong inspirasyon sa mga kawani ng DILG na mas lalo pang magsumikap sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko.
Ang nasabing proyekto ay inaasahang matatapos ngayong Disyembre 2022.