-- Advertisements --

Naniniwala ang House deputy minority leader na layunin umano ng pag-remand o pagsauli ng Senado sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa House of Representatives na maantala ang impeachment trial.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inamin ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na nagulat sila sa naging hakbang ng Senado na tinawag din niya bilang unconstitutional.

Nakikita naman ng mambabatas na isang worst-case scenario ang pagantala sa impeachment trial kasunod ng pag-remand ng Senado sa articles of impeachment, na kalaunan aniya ay maaaring mauwi sa constitutional crisis.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mambabatas na mababago ito depende sa magiging takbo ng paglilitis sa impeachment case laban sa Bise Presidente.

Samantala, ayon kay Cong. Castro, nakahandang tumulong sa House prosecution team ang legal team ng Makabyan bloc kung saan kasapi ang mambabatas, para mapanagot ang Ikalawang Pangulo dahil malinaw aniya na nagkaroon ng misuse o maling paggamit ng kaban ng bayan.