-- Advertisements --

Kumitil na ng mahigit 80 katao ang palitan ng missile at airstrikes sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon sa Israeli authorities, tatlong katao ang nasawi sa Israel habang 19 naman ang nasugatan sa magkakasunod na pinakawalang missiles ng Iran.

Dalawa ay nasawi kasama ang 19 na nasugatan sa missile attack ng Iran na tumama malapit sa mga kabahayan sa Rishon Lezion, sa katimugang bahagi ng Tel Aviv.

Ang ikatlong indibidwal ay nasawi matapos mabagsakan ng piraso ng missile ng Iran sa unang bugso ng magdamagang missile strikes. Idineklarang patay ang biktimang babae sa siyudad ng Ramat Gan, na nasa silangang bahagi ng Tel Aviv.

Iniulat naman ng Iran na nasa 78 katao na ang nasawi mula sa strikes ng Israel at 320 ang nasugatan na karamihan ay mga sibilyan.

Samantala, nagpapatuloy ang paghahanap sa mga residente na posibleng na-trap sa mga gusali na malapit sa mga residential area ng Rishon Lezion na tinamaan ng missile strikes ng Iran.

Ayon sa National emergency response agency Magen David Adom (MDA), matinding napinsala ang ilang mga gusali nang dumating sila sa lugar habang ang ilan sa mga nasugatan ay na-trap sa mga gumuhong gusali at ang iba naman ay nadatnan nilang naglalakad nang sugatan.

Una rito, muling sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng Iran at Israel matapos ang sorpresang pag-atake ng Israel noong Biyernes sa nuclear at military facilities ng Iran na ikinasawi ng ilan sa matataas na lider ng bansa, dahilan kayat gumanti ito ng missile attack sa Israel.