Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa na patuloy pa rin ang puspusang pag-aaral ng regional wage boards sa mga petisyon para sa taas sahod.
Ito ay matapos na mabigo ang mga mambabatas na ratipikahan ang panukalang legislated wage hike.
Ayon kay Labor USec. Benjo Benavidez, nagpapatuloy ang mga konsultasyon at mga pagdinig na isinasagawa ng Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPB) para sa umento sa sahod para sa mga manggagawa sa mga rehiyon.
Sa katunayan, sa National Capital Region, gumulong na aniya ang proseso para i-assess kung kalian at magkano ang umento sa minimum wage rate sa rehiyon.
Ipinaliwanag naman ng kalihim na base sa nakalipas na mga pagkakataon, ang mga hindi naipasang panukalang batas ay muling inihahain sa susunod na Kongreso.
Sakali man aniya na mangyari ito, nakahanda ang DOLE na gawin ang parte nito sa pagbibigay ng kanilang opinyon at technical input para sa maiging pagbalangkas ng panukalang batas.