-- Advertisements --

Nakikiusap si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na mabigyan ng hazard pay ang mga gurong magsisilbi sa halalan sa susunod na taon.

Ginawa ito ni Castro sa briefing ng Comelec sa House committee on appropriations kaugnay ng kanilang P26.728 proposed 2022 budget.

Ayon kay Castro, mahalagang mabigyan ng hazard pay ang mga Board of Election Inspectors (BEIs) at iba pang volunteers dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Pero sinabi naman ni Comelec chairman Sheriff Abas na hindi kasama ang hazard pay para sa mga BEIs sa pondo nilang aprubado ng Department of Budget and Management (DBM) na nakapaloob ng National Expenditure Program (NEP).

Sinabi ni Abas na P41.99 billion ang kanilang proposed budget para sa susunod na taon pero binawasan ito ng mahigit P15 billion ng DBM.

Dahil dito, sinabi ni Castro na sisikapin niyang mabigyan man lang ng P5,000 na hazard pay ang mga BEIs pagsapit ng period of amendments sa plenaryo ng Kamara.