Nanawagan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Phlippines (FEJODAP) sa pamahalaan na aprubahan na ang P5 fare increase dahil dahil ilang serye ng oil price hikes.
Sa isang panayam, sinabi ni FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño na dahil sa kasalukuyang sitwasyon ay parang ang ginagawa ng mga tsuper sa ngayon ay para na lamang sa serbisyo publiko.
Hindi naman aniya nila minamasama na makatulong sa publiko pero sana man lang ay maramdaman din ng pamahalaan ang dinaranas ng mga tsuper.
Kahapon, sinabi ng Unioil Petroleum Philippines na isa pang round ng fuel price hike ang nakatakdang ipatupad ngayong linggo.
Kung sakali, ito na ang ika-siyam na magkakasunod na linggo nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo magmula nang magbagong taon.
Ayon sa kompanya, ang presyo ng kada litro ng diesel ay posibleng tumaas pa ng P0.80 hanggang P0.90, habang ang presyo ng gasilina naman ay maaring tumaas ng P0.90 hanggang P1.00 kada litro.
Sinabi ni Rebaño na magkakaroon ng hearing ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Marso 8 tungkol sa kanilang apela para sa P5 na fare increase.
Karagdagang P1.50 naman para sa kada kilometro na sobra apat na kilometro.