Inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang P5.09 billion proposed emergency response project ng Department of Health (DOH).
Base sa ika-apat na report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, nakasaad na kabilang sa mga nakapaloob sa proyektong ito ng DOH ay ang pagtatayo ng mga COVID-19 testing at quarantine facilities sa anim na pangunahing paliparan sa buong bansa.
Inaprubahan din ng Investment Coordination Committee ng NEDA ang 21-first line decontamination facilities sa mga international airports sa ilang piling lugar sa bansa.
Inaasahang makakatulong ang P5.09 billion project na ito sa mga national laboratories at sub-national public health laboratories sa paghawak ng mga COVID-19 cases.
Gagamitin din kasi ang perang ito sa pag-refubish at pagtayo ng mga negative pressure isolation rooms sa tinatayang 70 DOH at 85 provincial public hospitals at makapagtayo din ng 450 isolation tents sa buong bansa.
Bukod dito, gagamitin din ito sa pagbili ng mga personal protective equipment, COVID-19 test kits, diagnostic at life support equipment.