Aabot na sa P44.57-bilyon ang nagastos ng Department of Health (DOH) mula sa P51-bilyong pondo nito para sa COVID-19 response.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, katumbas ng 86% ang nasabing gastos na sumentro sa case management at pangangailangan sa mga laboratoryo.
“As of August 2020, ang utilization natin ay P44.57 billion. 46% (of the said P44-billio) was used for case management-related commodities, katulad ng pagbili namin ng personal protective equipment, face masks, iba’t ibang gamot na ginagamit natin ngayon para sa response,” ani Vergeire sa isang online media forum.
“30% of this money (P44-billion) which is equivalent to P15.47 billion na ginastos natin para sa ating laboratory-related commodities. Ito yung mga testing kits, logistical supplies na kailangan ng mga laboratoryo,” dagdag ng opsiyal.
Ang P51-bilyong pondo na hawak ng DOH para sa COVID-19 response ay naglalaman din ng P45.72-bilyon na supplemental budget sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
“We had been transparent with this from the start, mayroon tayong public tracker that you can access.”
“Kami po ay closely nagmo-monitor sa ating budget because we would want to be as efficient as possible as we know na nandito tayo sa ganitong sitwasyon at hindi tayo pwedeng magkaroon ng paga-aksaya ng pera.”
Sa ilalim ng panukalang national expenditure para sa 2021 na ipinasa ng Department of Budget and Management sa Kongreso, P203-bilyon ang nakalaang pondo para sa DOH sa susunod na taon.
Bukod sa pag-uusapan pang pondo ng ahensya sa susunod na taon, may kasalukuyan daw na loan agreement ang Pilipinas sa Asian Development Bank na nagkakahalaga ng $125-million o P6-billion.
Gagamitin daw ang nasabing pondo para makatulong pa sa ginagawang responde ng bansa sa COVID-19.
“This they call Heal Investment Project… ang objective nito is to increase stocks of medical supplies and equipment to designated government hospitals nationwide, nagko-construct ng isolation wards, mag-add ng new testing laboratories at capacity building ng ating health human resources.”