Humigit kumulang sa P363.50 million ang kakailanganin para sa pagsasaayos at muling pagtatayo ng mga nasirang paaralan dulot ng pananalasa ng shear line at low pressure area sa Mindanao ayon sa Department of Education (DepEd).
Base sa cluster report ng ahensiya pumapalo na sa mahigit P363 million ang halaga ng pinsala sa mga paaralan kung saan nasa 36 na paaralan ang nasira sa Zamboanga Peninsula, northern Mindanao at sa Caraga.
Habang nasa 25 mga paaralan na napinsala ay sa Northen Mindanao . 10 sa Caraga at isa sa Zamboanga Peninsula.
Sa kabutihang palad naman, ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, walang mag-aaral ang napaulat na namatay o nawawala dahil sa epekto ng shear line at LPA.
Bagamat mayroong 8 estudyante ang nagtamo ng injuries habang nasa 2,548 naman ang na-displace.
Ayon kay Poa mayroong 51 paaralan ang ginamit bilang evacuation centers noong Biyernes subalit posibleng nabawasan na rin ito ngayong araw kasabay ng pagbibigay ng interventions ng ahensiya sa mga apektadong mag-aaral, eskwelahan at kanilang mga kawani.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa kabuuang 51 indibidwal na ang napaulat na namatay dahil sa dalang pag-ulan ng shear line simula noong araw ng pasko.
Umabot na sa P1.137 billion naman ang pinsala na sa sektor ng imprastruktura at P243.029 million naman sa sektor ng agrikultura.