LEGAZPI CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang babae matapos ang matagumpay na anti-drugs operation ng pinag-isang puwersa ng kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency sa P-1 Brgy. Ponso, Polangui, Albay.
Kinilala ang suspek na si Mary Grace ”Jing” Tupal, 47-anyos na residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLtCol James Ronatay, Officer-in-Charge ng Polangui PNP, una nang itinakda ang buy-bust operation laban sa target sa bayan ng Oas subalit moving ang suspek kaya’t nakarating pa sa Polangui.
Sa pagsasagawa ng operasyon, nasa 50 gramo ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska sa suspek na may market value na P340,000.
Inaalam pa sa ngayon ng mga otoridad kung saan kumukuha ng suplay na ibinabagsak sa lalawigan ang suspek.
Sa kasalukuyan nasa pangangalaga na ng Polangui Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.