Nasa mahigit P3 million halaga ng mga peke at smuggled cigarettes ang nakumpiska ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa Region 3 sa isinagawang magkakahiwalay na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Pampanga at Nueva Ecija.
Arestado sa nasabing operasyon ang dalawang suspek na nakilalang sina Richard Dimla at Flordeliza Del Prado.
Unang naaresto ng mga tauhan ng CIDG si Dimla nuong Lunes August 23 sa may Don Ignacio Dimson, Dau 2nd, Lubao, Pampanga.
Habang si Del Prado ay naaresto noong Martes sa Purok Quezon, Esguerra St. Talavera, Nueva Ecija.
Nakuha sa posisyon ni Dimla ang mga sumusunod: 725 reams of Union Red cigarettes; 365 reams of Two Moon cigarettes; 2,196 reams of Fort Red cigarettes; 581 reams of D&B cigarettes; 328 reams of Mighty Green cigarettes; 415 reams of Marvels cigarettes; 104 reams of Marlboro Red cigarettes; 12 reams of Manjhing cigarettes; at 35 reams of RGD cigarettes.
Habang sa posisyon naman ni Del Prado ang mga sumusunod: 464 reams of assorted cigarettes; marked money; boodle money; at White Isuzu elf closed van.
Kasong paglabag sa RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang kakaharapin ng dalawang suspeks.
Ayon naman kay PNP-CIDG director M/Gen Albert Ignatius Ferro, ang nasabing operasyon ay batay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang kampanya laban sa mga counterfeit and smuggled goods sa bansa.
Siniguro ni Ferro na lalo pa nilang palalakasin ang kampanya at mapanagot ang mga nasa likod ng mga nagpapakalat ng mga pekeng produkto.