Libu-libong mga sako ng asukal ang nadiskubre rin ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na nagkakahalaga P285 million sa isa na namang warehouse sa Quezon City.
Una rito nakatanggap umano ang mga ahente ng Cutoms na merong warehouse sa lugar ng Araneta Avenue na nakaimbak ang maraming mga asukal na pawang mga smuggled.
Nang tunguhin ito ng BOC ay naka-padlock ang warehouse.
Kaugnay nito, binigyan naman ng mga otoridad ang may-ari ng bodega ng 15 araw upang patunayan na legal ang sangkaterbang mga asukal.
Iginigiit daw kasi ng namamahala ng warehouse na ang kanilang mga asukal ay legal at meron daw itong importation permit at clearance mula sa BOC at sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Ang nakaimbak na asukal ay nakalaan umano para sa mga industrial consumers pero hindi pa kailangan sa ngayon.
Unang nang iniaangal ng ilang mga industrial companies, tulad ng gumagawa ng softdrinks ang kakulangan ng suplay ng refined sugar.
Ilan din sa planta ng mga ito (bottling plant) ang pansamantalang natigil pa ang operasyon.