Aabot sa P28.08 billion sa 2020 General Appropriations Act (GAA) ang hindi pa rin nailalabas ng Department of Budget and Management (DBM) hanggang sa noong Hulyo 2021.
Pag-aamin ito ni DBM OIC Tina Canda sa pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa unang pagdinig ng Kamara para sa proposed P5.024 trillion national budget sa susunod na taon.
Ayon kay Canda, malaking bahagi ng unreleased funds ay para sa maliliit na infrastructure projects at capital outlays ng mga state universities and collages (SUCs).
Hindi aniya ito nailalabas pa kasi may mga pag-uusap na ang naturang pondo ay inilalaan para sana sa Bayanihan 3 sakali mang maaprubahan at maging ganap na batas na ito.
Pumalag dito si Quimbo at sinabi na “unconstitutional” kapag nilalaktawan ng DBM ang power of the purse ng Kongreso dahil ang pondong hindi pa nailalabas ay aprubadong item sa ilalim ng GAA.
Pero nilinaw naman ni Canda na tuloy-tuloy pa rin naman silang naglalabas ng pondo dahil marami pa rin naman aniyang mga kagawaran ang humihingi ng pondo sa kanila.