Tumataginting na P250,000 ang tatanggapin ng pole vaulter na si Ernest John (EJ) Obiena matapos maitala ang personal best at ang pagkakatala ng bagong national record sa Meeting de Paris Wanda Diamond League sa France.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) acting executive director Atty. Guillermo Iroy pormal na bibigyan ng parangal kapag sinertipikahan na ng Philippine Athletics Track and Field Association ang kanyang achievement.
Kung maalala, naibulsa ni Obiena ang silver meeting matapos ma-clear ang 5.91 meters mas mataas sa kanyang dating record na 5.87m sa Poland noong buwan ng Hunyo.
Ang hakbang ng PSC ay bilang pagsunod sa National Incentive Act.
Nakasaad ditong sino mang national athletes at iba pang atleta na nabasag ang Philippine record ay kailangang makatanggap ng insentibo.
Ang naturang insentibo ay tatanggapin din ng weightlifter na si Elreen Ando at swimmer Luke Gebbie na nabasag ang record sa Tokyo Olympics.