Tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa sumiklab na sunog sa supply unit ng Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Ayon kay AFP PAO chief Col. Noel Detoyato, naapula na ng mga bumbero ang sunog sa tanggapan ng Warehouse at Property Reutilization and Disposal Division ng AFP.
Batay sa ulat mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), pawang mga lumang gamit tulad ng computer set, airconditioning unit, gulong at iba pa ang tinupok ng apoy.
Sa pahayag naman ng mga sundalo mula sa Supply Unit Compound, pasado alas-2:00 ng hapon ng Lunes nang may makita silang usok sa nasabing tanggapan at mabilis na kumalat ang apoy.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at agad namang rumesponde ang mga bumbero sa loob ng kampo kung saan wala namang nasawi o nasugatan.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP kung ano ang sanhi ng sunog.