-- Advertisements --

Iginiit ng ilang transport group na hindi sapat ang ipinatupad na P20 kada litro rollback sa presyo ng diesel, dahil nananatiling mataas ang gastusin ng mga public utility vehicle (PUV) driver.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, kahit ibawas ang P20 ay aabot pa rin umano sa humigit-kumulang P135 kada litro ang diesel at halos P90 naman ang gasolina, kaya’t hindi ito gaanong mararamdaman ng mga driver.

Dagdag pa niya, kinakailangan umanong ipabasura ang Oil Deregulation Law, alisin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa petrolyo, at ipatupad ang mas malaking rollback na aabot sa P55 kada litro.

Samantala, nagsagawa ng transport strike ang grupong MANIBELA kung saan hindi bumiyahe ang kanilang mga miyembro mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Aminado ang mga driver na malaking dagok ang pagkawala ng isang araw na kita, ngunit sinabi nilang mahalagang maiparating sa pamahalaan ang kanilang hinaing.

Paliwanag pa ng MANIBELA na nauunawaan nila kung bakit hindi nakilahok sa transport strike ang ilang miyembro ng mga transport cooperative, na kinakailangang sumunod sa mga patakaran ng Public Utility Vehicle Modernization Program.