Papalo sa P20 million na halaga ng mga gamit nang mga damit o mas kilalang ukay-ukay ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) sa pamamagitan ng Port of Manila (POM) sa storage facility sa Cuneta Avenue sa Pasay City.
Sa pamamagitan ng letter of authority na inisyu ni BoC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, agad nagtungo ang team ng POM na pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa naturang storage facility.
Nang halughugin ang lugar ay dito na tumambad ang 4,000 bundle ng ukay-kay.
Nag-isyu naman ang BoC ng warrant of seizure sa naturang mga kargamento at sa ngayon ay sumasailalim na sa imbestigasyon sa posibleng pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag sa RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang pagkakasabat ng mga ukay-ukay ay dahil na rin sa koordinasyon ng BoC at POM sa Enforcement and Security Service Quick Reaction Team (ESS-QRT), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG).
Sa kanyang statement, sinabi naman ni POM district Collector Michael Angelo Vargas na lagi nilang sinisigurong hindi makakapasok sa bansa ang mga ipinagbabawal na mga kargamento .
Ito ay naisasakatuparan daw sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga ito sa BoC at iba pang government agencies para maprotektahan ang ating mga borders.