Gatchalian
IMAGE | Sen. Sherwin Gatchalian, chairman, Committee on Energy (PRIB Photo by Albert Calvelo)

Nanindigan ang Department of Energy (DOE) na may sapat na reserba ng langis ang oil companies sa bansa.

Ito ay sa gitna ng mga pangamba hinggil sa epekto ng drone attack sa oil facilities ng Saudi Arabia.

Sa ipinatawag na hearing ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na sapat ng hanggang 40-araw ang reserba ng mga oil companies.

Higit 20-araw ng reserba ang krudo o yung sariwang angkat na langis, habang ang 18-araw na stock ay refined o na-proseso na bilang diesel, gasolina at LPG.

“We have 40 days’ worth of supply — 22.7 days’ supply of crude oil, 18-day supply of refined fuel. Knowing the trend from January to July 31, we always have at least 35-40 days worth of oil stockpile.”

Bagamat una ng inamin ng DOE na nakaapekto ang drone attack sa malaking adjustment ng oil price ngayong linggo, ay maituturing pa rin daw itong mababa kumpara sa paggalaw ng presyo sa mga nakalipas na taon.

Katunayan, apat mula sa limang oil price adjustments ngayong taon ay pagtapyas pa raw o bawas sa presyo.

“Without the Saudi attack, we are now looking at the trend that there will be a continuous decrease in oil prices without resolution of the US-China trade war.”

“With Saudi’s commitment that they will not cut supply commitments; all these facts point to direction that we will not have any problem with oil supply.”

Pinaguusapan na raw ngayon ng DOE ang posibilidad na ipa-suspinde ang panibagong excise tax sa langis sa susunod na taon dahil sa tax reform law.

Ipapanukala rin umano nila sa mga mambabatas na bigyan ng mandato ang pamahalaan na magtayo ng oil reserves sa bansa.

Ayon sa chairman ng komite na si Sen. Sherwin Gatchalian, mahalagang matutukan ang sitwasyon lalo na’t naka-depende pa rin sa ibang estado ang industriya ng langis sa Pilipinas.