VIGAN CITY – Mahigit dalawang bilyong pisong halaga ng stockpiles at standby funds ang nakahanda nang ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Central Office, pati na ng mga field offices at National Resource Operations Center para sa mga maaapektuhan ng Bagyong Tisoy.
Ito ang naging pagtitiyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mensaheng ipinadala ni NDRRMC–Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal sa Bombo Radyo Vigan.
Ayon kay Timbal, maliban pa ito sa mahigit P115 milyong kabuuan ng family food packs na nakahandang ipamahagi sa mga residenteng nasa mga evacuation center, idagdag pa ang mga food at non-food items na nasa P639 milyon.
Sa ngayon, nananatili sa blue alert status ang NDRRMC at iba pang ahensya ng pamahalaan dahil sa nasabing bagyo.