Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang tila tipid na paggamit ng Philippine Air Force (PAF) sa higit P2-bilyong pondo na natanggap nito mula sa Department of Budget and Management noong kasagsagan ng bakbakan sa Marawi City.
Batay sa audit report ng COA, nabatid na tumanggap din ng higit P300,000 ang tanggapan mula sa Philippine Army.
Pero sa kabila nito, natukoy na nasa P1.49-bilyon lang ang nagastos ng Air Force sa pagtatapos ng 2018 mula sa pondo na para sana sa kanilang mga gamit at supplies noong panahon ng bakbakan.
Sa ilalim nito, higit P800-milyon ang ginastos para sa air munitions at military supplies, samantalang higit P300-milyon para sa supplies at inventory.
Kaugnay nito nangako ang PAF na gagamitin ang natitirang halos P550-milyon mula sa nasabing pondo ngayong taon.










