Itinanggi ng Philippine Army na mga sibilyan ang ilang napatay sa engkwentro sa Negros Occidental.
Tanong ni Army Col. Louie Dema-ala sa mga nagsasabing sibilyan ang mga ito, “kung ano ang ginagawa ng mga sinasabing journalist, social workers, faculty members, at tagapagsalita ng mga progresibong grupo sa loob ng encounter site na may bitbit na baril at nakikipagbarilan sa kasundaluhan?”
Nanindigan din ang Army official na tumugon nang propesyunal ang mga sundalo mula sa 79th Infantry Battalion at salig sa International Humanitarian Law.
Nilinaw din niyang hindi tinutugis ng Armed Forces of the Philippines ang mga tao, kundi rumeresponde ito sa tawag ng komunidad para sa proteksiyon.
Subalit sa panig ng NPA, pinabulaanan nila ito at iginiit na kakaunti lamang ang bilang ng mga napaslang na armed fighters at ang ilan ay mga sibilyan.
Matatandaan, nangyari ang sagupaan noong Lunes kung saan iniulat ng Philippine Army na 19 sa umano’y miyembro ng New People’s Army ang napatay sa serye ng mga engkwentro laban sa mga tropa ng gobyerno sa Barangay Salamanca.











