-- Advertisements --

Pinuri ni Vice President Sara Duterte ang kamakailang matagumpay na combat operation ng Philippine Army sa Negros Occidental.

Sa isang statement ngayong Sabado, Abril 25, nagpaabot ang Bise Presidente ng pagpupugay sa matatapang na miyembro ng 79th Infantry Battalion (79IB) ng Philippine Army sa ilalim ni Lt. Col. Eric Alfonso sa tinawag niyang “successful combat operation.”

Kinilala ng Pangalawang Pangulo ang katapangan, disiplina at hindi natitinag na commitment ng Hukbo sa pagprotekta sa mga komunidad na karapat-dapat sa mataas na pagkilala.

Sumasalamin aniya ang tagumpay na ito hindi lamang sa kanilang operational excellence kundi sa kanilang dedikasyon para mapanatili ang kapayapaan, seguridad at rule of law.

Bagamat hindi binanggit ni VP Sara ang partikular na operasyon, nauna nang iniulat ng PA ang nangyaring enkwentro sa pagitan ng personnel ng 79th Infantry Battalion ng 3rd Infantry Division at umano’y mga miyembro ng NPA sa Barangay Salamanca, Toboso, sa Negros Occidental.

Kung saan kinumpirma ng hukbo na mayroong 19 na umano’y miyembro ng NPA ang napatay sa operasyon. Gayundin, napaulat na may isang student leader, bacolod-based journalist at Fil-Am ang napatay sa engkwentro.

Nauna na ring itinanggi ng Philippine Army na ilan sa mga napatay ay mga sibilyan at nanindigang kumilos sila nang propesyunal at salig sa International Humanitarian Law.

Samantala, hinimok din ni VP Sara ang mga magulang at guardians na protektahan ang kanilang mga anak at pigilang sumali sa mga bayolenteng extremist groups.