-- Advertisements --

Kulang pa rin umano ang mga naganap na bawas-presyo sa produktong petrolyo at ang inaasahang rollback bukas kung ikukumpara sa halaga bago sumiklab ang giyera sa Middle East.

Ito ang binigyang-diin ni Mody Floranda, national president ng PISTON, sa harap ng tigil-pasada at protesta na isasagawa ng kanilang grupo sa buong bansa.

Ayon kay Floranda, hanggang ngayon ay nasa P200 lamang ang kinikita ng mga tsuper sa loob ng 18 oras na pamamasada, dulot ng mataas na presyo ng krudo at mababang pasahe.

Sa tala ng industriya, umabot sa mahigit P80 kada litro ang diesel noong Marso 2026, bunga ng tensyon sa Middle East na nagdulot ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Bagama’t may rollback ngayong Abril, malayo pa rin ito sa antas bago ang krisis.

Dahil dito, iginiit ng PISTON na hindi sapat ang mga pansamantalang solusyon gaya ng fuel subsidies at service contracting, at nanawagan ng mas makabuluhang hakbang mula sa pamahalaan.

Mula Abril 15 hanggang 17, 2026, nakatakdang magsagawa ng nationwide transport strike ang PISTON at MANIBELA upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa mataas na presyo ng langis at ang panawagan para sa mas makatarungang rollback.

Inaasahan ang malawakang epekto sa biyahe ng mga commuters sa Metro Manila at iba pang rehiyon, habang patuloy na igigiit ng mga tsuper ang kanilang panawagan para sa pangmatagalang solusyon sa krisis sa transportasyon.