-- Advertisements --

Humigit-kumulang PHP2.5 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para gawing moderno ang iba’t ibang paliparan sa buong bansa at makatulong na magkaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa bansa.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pagbibigay sa Department of Transportation (DOTr) ng kabuuang PHP2.5 bilyon para sa Aviation Infrastructure Program nito sa panukalang 2023 national budget ay naaayon sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapabuti ang imprastraktura ng transportasyon sa bansa.

Sa ilalim ng panukalang 2023 National Expenditure Program (NEP), itinaas ng DBM ang budget ng DOTr sa PHP167.1 bilyon, mas mataas ng 120.4 porsiyento mula sa PHP75.8 bilyon na natanggap ng ahensya noong 2022.

Ang big-ticket railway at road transport projects ng DOTr ay makakakuha ng pinakamalaking bahagi ng proposed PHP167.1-billion budget para sa 2023, habang ang mga aviation modernization projects nito ay tatanggap din ng malaking halaga ng budget.

Ang PHP2.48 bilyon na inilaan para sa pagpapatupad ng Aviation Infrastructure Program ay gagamitin para sa pagtatayo, rehabilitasyon, at pagpapabuti ng iba’t ibang paliparan sa buong bansa.

Kabilang sa mga proyekto sa paliparan ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City, Laoag International Airport, Tacloban City Airport, Antique Airport, at Bukidnon Airport.

Sinabi ni Pangandaman na ang panukalang budget ay gagamitin din para tustusan ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng iba pang mga transport infrastructure projects sa aviation sector.