Humirit ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng P2.59 bilyon para sa flood control program ng Metro Manila para sa fiscal year 2026.
Gagamitin ang pondo para sa pagpapaganda ng mga drainage at pag-maintain ng mga waterways sa metro.
Ayon sa budget sponsor ng MMDA na si Rep. Monique Lagdameo, ang hiling ng MMDA na ang nasabing budget ay 33% na mas mababa kumpara sa budget ng 2025, at halos kalahati ito ng kabuuang budget ng MMDA na nasa P5.88 bilyon para sa 2026.
Paliwanag ng MMDA, kailangan palakihin ang mga drainage pipes dahil sa pagtaas ng dami ng ulan, at lilinisin ang mga waterways upang maiwasan ang pagbaha.
Umalma naman si Kabataan Partylist Rep. Renee Co sa nasabing hiling ng MMDA at nanawagan sa publiko na maging mapanuri sa mga flood control projects lalo at nahaharap sa kontrobersiya ngayon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) partikular sa mga flood control projects.
Binigyang-diin ni Rep. Co na dapat suriin pa rin ang mga natitirang flood control projects dahil posibleng may korapsyon pa rin.
Humiling siya ng listahan ng mga nangungunang kontratista sa flood control projects ng MMDA, at nangakong ipapasa ng MMDA ito sa kanya sa susunod na linggo.